Bukambibig na ngayon ang salitang ‘okay na ’to!’: MIGUEL, iniintrigang mas sikat pa ang kanyang Mommy GRACE
- Published on March 1, 2025
- by Peoples Balita
BUKAMBIBIG ngayon ng karamihan ang salitang “Okay na ‘to!”
At saka nila sasabihin na, “Grace Tanfelix?”. Isa lang ang ibig sabihin, marami na talaga ang nanonood sa mga vlogs ng mommy ni Miguel Tanfelix.
Kaya may mga humihirit na, “Mas sikat na nanay ni Miguel kesa sa kanya!”.
Pero in fairness to Miguel, nakausap na namin siya tungkol sa pagiging vlogger ng nanay niya at isa siya sa unang-unang natutuwa na marami ang nakakapanood.
Maging ang mga co-stars nga raw niya, masaya kapag pinapabaunan siya ng mommy niya ng luto nito at sini-share niya sa taping.
Kaya para kay Miguel, okay lang na bukod sa kanya, sumisikat na rin ang ina at nagiging word of mouth na ng karamihan ang “okay na ‘to!”
Nakakaloka lang ang ilang mga bashers siguro ni Miguel o ng network o ng kanyang primetime series na “Mga Batang Riles” na kesyo mas nauna pa raw napasikat ng Tiktok ang nanay kesa napasikat ng Sparkle ang anak.
Grabe naman, e, isa kami sa mga unang follower rin ng nanay ni Miguel na isa rin sa ikinaaliw namin sa kanya, yung malamang nanay siya ni Miguel at may mga instances na nakakasama pa sa video niya ang Kapuso actor.
Pero dahil nga marami na ang gumagamit ng “Okay na ‘to,” aba, mag-special guest na rin ang nanay ni Miguel sa sariling serye.
Kung may mga namba-bash, ang dami rin naming nababasang comment na natutuwa sa mag-ina.
***
MAKIKITA ang art exhibit na kung tawagin ni Manila Vice Mayor Yul Servo na metal artwork sa arrival ng Terminal 3 sa NAIA, malapit sa may VIP parking.
Na-impress kami dahil kakaiba ang art form niya at talagang matiyaga niyang pinag-aralan, ginuhit ang mapa ng iba’t-ibang lugar sa Manila sa pamamagitan ng mga scrap na metal o stainless steel.
Matagal na itong ginagawa ni Yul, pero ang 13 pieces na makikita sa NAIA ay plano niyang iikot sa buong bansa. Isang paraan na rin niya ito para maipakita pa raw ang legacy ng Manila kunsaan siya pinanganak, lumaki at naninilbihan.
Sa ngayon, tumatakbo pa rin siya sa pagka-Vice Mayor ng Manila at sabi nga namin, kahit nasa partido siya ng incumbent Mayor, nakasama niya rin sa termino noong Congressman siya si Isko Moreno na kalaban nilang partido at kung hindi ba siya naiipit?
“Parehas ko silang mga naging lider. May time na pwede ka talagang maipit. May time na pwede ka talagang pumunta sa isang panig lang, sa isang prinsipyo.”
Although, nalulungkot daw siya na silang magkapatid ay nasa magkalaban na partido.
“Nakakalungkot pero hindi kami magka-away. Pero, pagdating sa pulitika, magkahiwalay kami. Hindi kami nag-uusap pagdating sa pulitika. Alam mo na, gusto kong lumaban na may respeto, may pagmamahal, patas. Magkahiwalay tayo, pero lumaban tayo ng patas.”
Sa isang banda, aminado si Yul na nami-miss niya ang pag-arte, pero ang huli naman daw niya ang “Black Rider” pero kahit na naka-focus siya sa pulitika, hindi raw mawawala na sa dugo niya ang pag-arte, pero sa ngayon, ang metal art ang isa sa napagtutuunan niya ng pansin.
(ROSE GARCIA)