PBA nakaabang sa listahan ng SBP
- Published on January 6, 2021
- by @peoplesbalita
Hinihintay na lamang ng pamunuan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang listahan ng mga players na iimbitahan para sa FIBA Asia Cup Qualifiers third window sa Pebrero.
Pinag-aaralan pa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) coaching staff sa pangunguna ni program director Tab Baldwin kung sino ang mga nais nitong isama sa Gilas Pilipinas pool.
Ang mga mapipiling players ay ipapasok sa training camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna para paghandaan ang third window.
Kaya naman gusto na ni PBA commissioner Willie Marcial na mailabas agad ang listahan para maabisuhan ang mga PBA players na isasama sa pool.
“Hinihintay lang namin ‘yun. Sabi namin, ibigay kaagad sa amin kung sino mga kailangan para makausap namin ‘yung mga players. Kasi lahat nasa bakasyon,” ani Marcial sa programang Power and Play.
Target ng SBP na bumuo ng solidong lineup sa third window dahil matinding laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas.
Sasagupain ng Pinoy squad ang Asian power South Korea habang isang beses naman ang Indonesia na magpaparada ng naturalized player at Indonesian-American cager.
Bukod sa pagpili ng mga players, inaasikaso rin ng SBP ang hosting ng third window kung saan nakikipag-ugnayan na ito sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.
Kasama ng SBP ang PBA sa pagtataguyod ng bubble sa Clark, Pampanga na parehong venue na pinagdausan ng matagumpay ng PBA Season 45 Philippine Cup restart.
Mas mahigpit na health protocols ang ipatutupad sa Clark bubble upang masiguro na ligtas ang lahat lalo pa’t may mas matinding strain na ang coronavirus disease (COVID-19).