Malakanyang, paiigtingin ang seguridad matapos arestuhin ang mga Chinese spy
- Published on February 28, 2025
- by Peoples Balita
NAKATAKDANG paigtingin ng Malakanyang ang mga pamamaraan at puwersa kasunod ng pagkakadakip sa mga Chinese spy na sangkot sa surveillance activities kung saan target ang presidential palace, military, at mga pulis.
Inilarawan ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pag-aresto bilang “alarming,” binigyang-diin ang pangangailangan na paigtingin ang pagsisikap para tugunan ang usapin ng foreign espionage.
“Nakakaalarma po talaga iyang balita na iyan, at pagpupursigihin pa po natin at paiigtingin po natin ang ating puwersa para po masugpo ang mga sinasabi at napagbibintangang spies,” ang sinabi pa ni Castro.
Binigyang diin pa rin ni Castro na dapat palakasin ang seguridad ng Malakanyang at seguridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ulat, dalawang tsino at tatlong filipino ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Feb. 20 para sa di umano’y page-espiya sa Malakayang, military, at pulis.
Nito lamang Enero, inaresto ng NBI ang limang pinaghihinalaang Chinese spies para sa di umano’y monitoring sa aktibidad ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa Palawan, kabilang na ang ‘resupply of troops’ sa West Philippine Sea.
Sinagot din ni Castro ang tanong hinggil sa citizenship ni Li Duan Wang, na pinagkalooban ng panukalang batas para sa naturalization kapuwa ng Senado at Kongreso.
Gayunman, sinabi ni Castro na may pagtutol sa batas, partikular na mula kay Senator Risa Hontiveros, pinalutang ang alalahanin sa posibleng pagkaka-ugnay nito sa Philippine offshore gaming operators (POGO).
Samantala, tiniyak naman ni Castro sa publiko na pag-aaralang mabuti ng Pangulo ang usaping ito bago pa magdesisyon kung lalagdaan o ibe-veto ang batas. (Daris Jose)