• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:52 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Lolo, kalaboso sa baril at bato sa Malabon

BAGSAK sa kulungan ang 62-anyos na lolo nang mahuli sa akto na may bitbit na baril habang pagala-gala sa kanilang lugar at makuhanan pa ng droga sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, itinawag ng kanyang mga kalugar sa Police Sub-Station 2 ng Malabon police ang pabalik-balik na paglalakad ng suspek na si Lolo ‘Divino’, sa kanilang lugar sa Concepcion St. Brgy. Tugatog habang may bitbit na baril na tila may inaabanga na kaaway.

Kaagad namang nagresponde sa lugar sina P/SSg Marty Vilbar, P/Cpl. Leo Dave Legaspi, at Pat. Philmark Tongco kung saan naabutan nila ang suspek na may hawak ngang baril dakong ala-1:50 ng madaling araw.

Hindi na pinaporma ng mga tauhan ni Col. Baybayan si lolo Divino at agad dinamba kung saan nakumpiska sa kanya ang hawa na isang kalibre .40 Jericho pistola na may sampung bala sa magazine.

Nang kapkapan, nakuha pa kay Lolo Divino ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng 15.92 gramo ng shabu na nagkakalahaga ng P108,256.00.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Omnibus Election Code matapos mabigong makapagpakita ng dokumento na magpapatunay na legal ang pagkakaroon at pagdadala niya ng baril, pati na rin sa paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Malabon City Prosecutor’s Office.

Pinuri NPD Acting District Director PCOL Josefino Ligan ang mabilis na aksyon ng mga tauhan ni Col. Baybayan sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)