Ginang na wanted sa droga sa Caloocan, tiklo
- Published on February 27, 2025
- by Peoples Balita
LAGLAG sa selda ang isang top most wanted drug offender matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Caloocan City.
Ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang pagtugis sa 46-anyos na ginang na nakatala bilang Top 9 ‘Most Wanted Person’ sa lungsod.
Dakong alas-11:45 ng gabi nang madakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan police ang akusado na residente ng lungsod sa Samson Road, Barangay 80.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Section 11 ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inisyu ni Presiding Judge Rodrigo Flores Pascua Jr., Caloocan City RTC Branch 122.
Ayon kay Col. Canalas, may inirekomendang piyansa ang korte na P200,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa IDMS-WSS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
Pinuri ni PCOL Josefino Ligan, Acting District Director ng Northern Police District (NPD) ang Caloocan City Police Station sa kanilang dedikasyon at pangako sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad. (Richard Mesa)