Move it driver, kasabwat laglag sa P680K shabu sa Caloocan
- Published on February 27, 2025
- by Peoples Balita
NASAMSAM sa isang move it driver na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) at kanyang kasabwat na bebot ang halos P.7 milyong halaga shabu nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang naarestong mga suspek na sina alyas “John”, 26, at alyas “Claris”, 36, office staff, kapwa residente ng Brgy. Potrero, Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Canals na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Uni (SDEU) ang buy bust operation nang magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa pagtutulak umano ng droga ni alyas John.
Dakong alas-4:03 ng madaling araw nang arestuhin ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang mga suspek nang magsabwatan umano na bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Reparo Road, Brgy. 149, Bagong Barrio.
Ayon kay Col. Canals, nakuha sa mga suspek ang nasa 100 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P680,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at limang P1,000 boodle money, dalawang cellphones, sling bag at P200 cash.
Kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 “Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002” ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinapurihan ni Col. Ligan, ang Caloocan police sa kanilang walang humpay na pagsisikap at estratehikong pagpapatupad ng operasyon sa paglaban sa iligal na droga.. (Richard Mesa)