Dayuhang huli sa POGO raid, sumailalim sa inquest proceedings sa DOJ
- Published on February 26, 2025
- by Peoples Balita
SUMAILALIM na sa inquest proceedings sa Department of Justice noong Pebrero 24 ang mga naarestong dayuhan sa pagsalakay sa offshore gaming operations sa ATI Building sa tapat ng PITX Terminal sa Paranaque City, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission.
“Na-inquest na po natin yung mga foreign nationals na nagpapatakbo ng POGO hub dito sa PITX. And, 20 foreign nationals ang kinasuhan namin dun,” ayon kay PAOCC Director Undersecretary Gilbert Cruz.
Ang mga suspek ay kinasuhan ng qualified trafficcking, ayon kay Cruz.
“Makikita mo naman na talagang sila ang nag facilitate nung mga nagtatrabaho sa POGO hub na ito para mag-work ng matagal. Yung ginagawa nila, marami silang violation, bukod dun sa mga dokumento na kulang-kulang na pinakikita nila, and yung pagpapatakbo ng isang POGO hub na wala namang kaukulang mga papeles,” aniya.
Ilang Pinoy na suspek ang kinasuhan habang ang iba ay pakakawalan base sa rekomendasyon ng piskal.
Ayon sa PAOCC, sa kabuuang 465 indibidwal, 146 ay banyaga at 319 Pilipino, ang nahuli sa raid noong Pebrero 20. (Gene Adsuara)