‘Aleng Pulis’ ipinuwesto sa NCRPO
- Published on February 26, 2025
- by Peoples Balita
INIHAYAG ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PBGen. Anthony Aberin na ipupuwesto at pamumunuan na ng mga ‘Aleng Pulis’ ang ilan sa mga pangunahing posisyon sa organisasyon.
Ayon kay Aberin, hindi na malilimita sa mga office work ang mga babaeng pulis at sa halip at isasabak na sa mga key position sa NCRPO at ipakikita ang kanilang kakayahan pamunuan ang isang division.
Nabatid na sinimulan na ni Aberin pagbabago matapos na ipuwesto ang isang babaeng opisyal sa Civil Disturbance Management (CDM) kabilang ang elite SWAT teams.
Sinabi ni Aberin na hindi rin matatawaran ang kakayahan ng mga babaeng pulis sa pagbibigay ng seguridad sa publiko at maging sa buong bansa.
Hindi aniya usapin ang kasarian at sa halip ay kakayahan na ipatupad ang peace and order at serbisyuhan ang publiko sa oras ng pangangailangan.
Nasa 25,743 ang mga pulis sa NCRPO at ipinatutupad ang programang “Able, Active, and Allied” kung saan 19 porsiyento ang babae.