Caloocan LGU, naglunsad ng libreng chest x-rays
- Published on February 24, 2025
- by Peoples Balita
NAGLUNSAD ang Local Government ng Caloocan ng libreng chest x-ray para sa mga residente ng lungsod na edad 15 taong gulang pataas, na layuning makita ang maagang mga palatandaan at sintomas ng tuberculosis (TB) upang maiwasan ang mga impeksyon, gayundin ang pagbibigay ng access sa mga programa sa maagang paggamot sa mga lokal na komunidad.
Ang libreng services na tinawag na “TB Caravan” ay bahagi ng mga aktibidad na inorganisa para sa paggunita ng 63rd Cityhood Anniversary, na ginanap sa iba’t ibang lugar ng lungsod.
Pinasalamatan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang lahat ng kanyang nasasakupan na nag-avail ng libreng x-ray services sa pagtulong sa pamahalaang lungsod na matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga pamilya at nakapaligid na communities, lalo na para sa kapakanan ng mga madaling kapitan ng sakit at mga komplikasyon nito.
“Batid ko po na hindi biro ang sakit at hirap na dulot ng TB, kung kaya’t nagpapasalamat po ako sa lahat ng ating mga kababayan na nagpa-check up dahil malaking tulong po ito sa layunin ng ating administrasyon na ilayo ang mga nakakahawang sakit sa mga komunidad, lalong-lalo na po sa kapakanan ng mga bata, senior citizen, at iba pang mga vulnerable sa ganitong karamdaman,” pahayag ni Mayor Along.
Tiniyak din ng alkalde sa kanyang mga nasasakupan na ito ay isa lamang sa maraming mga hakbangin mula sa pamahalaang lungsod na nagtataguyod ng kalusugan at kagalingan, at gayundin ay ipinahayag na sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang mga serbisyong pangkalusugan ay mananatiling magagamit para sa lahat.
“Mula pa noong nagsimula ako bilang Punong Lungsod, naging prayoridad na natin ang kalusugan ng mga mamamayan kaya naman siniguro rin natin na bahagi ng ating mga pagdiriwang para sa 63rd Anniversary ang tuloy-tuloy at libreng na serbisyo medikal,” aniya.
“Asahan po ninyo na sa ilalim ng ating pamumuno, walang magbabago sa pagpapahalaga natin sa kalusugan ng ating mga nasasakupan. Pinatunayan po natin na kayang ibigay ng pamahalaang lungsod ang abot-kamay, libre, at de-kalidad na serbisyo medikal na deserve ng lahat ng Batang Kankaloo,” dagdag niya. (Richard Mesa)