Gilas nagparamdam agad sa Doha
- Published on February 17, 2025
- by Peoples Balita
NAGPASIKLAB agad ang Gilas Pilipinas nang hiyain nito ang host Qatar via 74-71 come-from-behind win kahapon sa 2nd Doha Invitational Cup na ginaganap sa Qatar University Sports and Events Complex.
Nabaon ang Gilas Pilipinas sa 11 puntos sa huling kanto ng laban.
Kaya naman agad na rumesponde ang Pinoy squad.
Naglatag ang Gilas ng 23-11 atake sa likod nina Dwight Ramos, Justin Brownlee at AJ Edu para makuha ang unang panalo nito.
Nanguna para sa Gilas si Dwight Ramos na kumana ng 15 puntos tampok ang tatlong three-pointers kasama pa ang dalawang rebounds at dalawang assists.
Nagdagdag naman si eight-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng 12 puntos, pitong boards at dalawang assists habang naglista si Brownlee ng 10 puntos, limang rebounds at limang assists.
Nag-ambag din si Scottie Thompson ng 10 puntos samantalang nagparamdam si Edu tangan ang anim na puntos at 10 boards.
Solido ang opensa ng Gilas na nakakuha pa ng pitong puntos at limang rebounds mula kay two-time UAAP MVP Kevin Quiambao na miyembro ng Goyang Sono Skygunners sa Korean Basketball League.