Electrician, isinelda sa panunutok ng baril sa nakaalitan sa Malabon
- Published on February 13, 2025
- by Peoples Balita
REHAS na bakal ang kinasadalakan ng 29-anyos na electrician matapos tutukan ng baril ang kanyang naka-alitang welder sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, mahaharap sa kasong Grave Threat, Illegal Possession of Firearms and Ammunition at paglabag sa Omnibus Election Code ang suspek na si alyas “Regie”, residente ng Kadima, Brgy. Tonsuya
Ani Col. Baybayan, nagpapatrulya ang mga tauhan ni P/Maj. Johnny Baltan, Commander ng Police Sub-Station 5, sa Block 4, Kadima, nang humingi ng tulong ang biktimang si alyas “John-John”, 39, ng nasabi ring barangay dakong alas-9 ng gabi dahil sa ginawang panunutok ng baril sa kanya ng suspek nang magkaroon umano sila ng argumento.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek makaraang naaktuhan nilang may hawak itong baril.
Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .45 pistola na may kargang pitong bala sa magazine at nang hanapan siya ng kaukulang dokumento hinggil sa legalidad nito ay walang naipakita si alyas Regie.
Pinuri naman ni NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan ang Malabon police sa kanilang mabilis na aksyon at pagresponde. (Richard Mesa)