Kongresista, umatras sa kandidatura sa pagka-senador
- Published on February 12, 2025
- by Peoples Balita
INIHAYAG ni AGRI Party-list Rep. Manoy Wilbert Lee ngayong Lunes ang pag-atras niya sa pagtakbo bilang senador ngayong 2025 National at Local Elections.
Sinabi ni Lee na ang kakulangan sa makinarya para sa isang matagumpay na kampanya ang dahilan kung bakit hindi na niya itutuloy ang pagkatakbo.
Sa halip, aniya ay pagtutuunan na lamang niya ng pansin ang pagtulong sa AGRI Party-list sa pamamagitan ng kanyang reelection upang maipagpatuloy ang kanyang mga adbokasiya.
“Sa pag-iikot ko po sa ating bansa, napagtanto ko na hindi sapat ang makinarya na mayroon po tayo ngayon para maabot ang lahat ng ating mga kababayan upang mapakilala at maipaalam ang aking mga ipinaglalabang adbokasiya. Naging malinaw sa akin na kailangan pa ng mas mahabang panahon para mapatibay ang pakikipag-ugnayan sa mga kapwa natin Pilipino at maging sapat ang kahandaan at makinarya para sa matagumpay na kampanya,” ani Lee.
Gayunman, itutuloy nito ang pagtakbo bilang kinatawan ng AGRI Party-list.
(Vina de Guzman)