• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 tulak, timbog sa baril at P176K shabu sa Malabon

KALABOSO ang dalawang tulak ng droga matapos makuhanan ng baril at mahigit P.1 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa iligal drug activities nina alyas ‘Balot’, 34, at alyas ‘Andy’, 49, na kapwa nakatala bilang drug pusher sa SDEU.

Nang magawang makipagtransaksyon ang isa sa mga operatiba ng SDEU sa mga suspek, ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Bandang ala-1:50 ng madaling araw nang dakmain ng mga tauhan ng SDEU ang mga suspek sa kanto ng P. Aquino Ave. at J. Dela Cruz Sts, Barangay Tonsuya nang tanggapin nila ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Sa ulat ni Col. Cayaban kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nakuha sa mga suspek ang nasa 26 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P176,800, at P1,000 buy bust money habang ang isang .22 caliber revolver na may apat na bala at nakumpiska kay alyas Balot.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang karagdagan na kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang kakaharapin pa ni alyas Balot.

Binati ni Col. Ligan ang Malabon City Police Station para sa kanilang walang tigil na operasyon laban sa droga at pangako sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)