• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, nagtalaga ng bagong Comelec commissioner

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Ma. Norina Tangaro-Casingal bilang bagong commissioner ng Commission on Elections (Comelec).

Sa katunayan, inanunsyo ni Comelec chairperson George Erwin Garcia ang ad interim appointment ni Tangaro-Casingal, araw ng Lunes, Pebrero 10.

 

Si Tangaro-Casingal ay naging director ng Comelec Law Department simula pa noong 2016. Siya ay isang election lawyer na nagsilbi sa Comelec sa loob ng 27 taon.

 

 

Papalitan ni Tangaro-Casingal si dating commissioner Socorro Inting, na nagretiro matapos na makompleto nito ang kanyang pitong taon na termino.

“Nagpapasalamat tayo sa ating kagalang-galang na Pangulo sapagkat kaagad na dininig and hiling natin na mag-appoint kaagad nang maaga dahil malapit na ang elections,” ayon kay Garcia.

“At the same time, ang napili ng ating Pangulo ay isang insider. Si Dir. Nori ay matagal nang director ng Law Department. Matagal na rin sya sa Comelec…Natutuwa tayo sapagkat ito ay pagkilala sa kakayanan, galing, talino, dedication ng nasa Comelec,” dagdag na wika nito.

Sa kabilang dako, sa harap mismo ni Garcia ay nanumpa si Tangaro-Casingal para sa kanyang bagong tungkulin.

Siya ay nasa ilalim ng Comelec First Division, makakasa ni Tangaro-Casingal sina presiding Commissioner Aimee Ferolino at Commissioner Ernesto Maceda Jr.

 

 

At dahil sa ad-interim appointment, sinabi ni Garcia na si Tangaro-Casingal ay magsisilbi hanggang sa pagpapatuloy ng sesyon ng Kongreso sa Hunyo 2.

Samantala, sa ngayon ay magtatalaga naman si Garcia ng officer-in-charge para sa Law Department.

“Nagpapasalamat ako sa ating Presidente for heeding to the request of the Chairman na ma-appoint sana ang insider. Of course, kay chairman makakaasa po na susuportahan ko ang projects ni chairman at kung ano ang ikakabuti ng Commission,” ang sinabi ni Tangaro-Casingal.

 

 

“Tangaro-Casingal’s term expires on February 2, 2032,” ang nakasaad sa appointment paper na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Ang kanyang appointment ay ‘subject to the approval’ ng bicameral Commission on Appointments.

Matatandaang, noong nakaraang linggo, nanawagan si Garcia kay Pangulong Marcos na magtalaga ng “insiders” sa gitna ng pagreretiro ni Inting at dating Commissioner Marlon Casquejo. (Daris Jose)