• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Social Media Personalities na tumangging dumalo sa Kamara dahil sa pagkakalat ng fake news, tinuligsa

TINULIGSA ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang ilang social media personalities sa pagtanggi ng mga ito na dumalo sa pagdinig ng Kamara ukol sa pagkalat ng pekeng balita at online disinformation, kasabay ng hamon na dahil ang kanilang  mga pahayag at kritisismo sa kaukulang forum.
“Wag po kayong magtago sa mga ganyan, ang tatapang ninyo … in the advent of social media, suddenly Filipinos become political analysts, they become journalists, they become experts. They believe their wisdom. Kayo ang galing ninyong magtuligsa eh. Dito ninyo dalhin,” ani Barbers.
Pahayag naman ni House Committee on Public Order and Safety chairman at Laguna Rep. Dan Fernandez na ang pagtanggi ng mga ito na dumalo sa pagdinig ay nagbibigay lamang ng pagdududa sa kanilang kredibilidad.
“Wag po kayong magtago sa mga ganyan, ang tatapang ninyo. Kayo ang galing ninyong magtuligsa eh. Dito ninyo dalhin, para ng sa ganun makagawa tayo ng isang polisiya, na hindi maabuso ito,” ani Fernandez.
Una nang nagpalabas ang House Tri Comm, binubuo ng House Committees on Public Order and Safety, on Information and Communications Technology and on Public Information, ng show cause orders laban kina dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) chief Trixie Cruz-Angeles, at mga social media influencers na sina Elizabeth Joie Cruz (Joie De Vivre), Krizette Lauretta Chu, Mark Anthony Lopez, Jun Abines Jr., Dr. Richard Tesoro Mata, Aaron Peña, Suzanne Batalla (IamShanwein) at Ethel Pineda dahil sa pagtanggi ng mga ito na dumalo sa hearing.
Iginit naman ni Barbers na ang pagdinig ay hindi para labagin o tapakan ang ang karapatang magpahayag o free speech kundi para makapagbuo ng mga regulasyon upang makasiguro na mayroong accountability at ethical use ng social media.
“Eto pong hearing na ito ay hindi para kitilin o i-suppress yung freedom of speech nila. Wala ho kaming ganung layunin. Ang layunin po natin dito ay gawan ng polisiya ang paggamit ng social media platforms. Dapat po meron tayong disiplina, meron tayong code of conduct, meron tayong ethics sa paggamit nitong social media. Hindi yung pagbukas mo ng social media, magmumura ka,” anang mambabatas.
Kinuwestiyon din ng mga kongresista ang dahilan ng mga tumangging dumalo.
“Kaya kayo inimbita dito para makapagpahayag din kayo. Hindi po ba iyan ang tamang freedom of expression? Eh bakit kayo nagpapadala ng mga sulat na hindi kayo pupwede kasi hindi kayo naniniwala sa layunin ng pagdinig na ito?” pagtatanong nito.
Kinondena rin ni Barbers ang mga vloggers at influencers na ginagamit umano ang kanilang plataporma para manawagan ng kaguluhan at magpakalat ng pekeng balita o pahayag.
“Meron diyan nagso-social media, nagba-vlog, walang ginawa araw-araw kundi manawagan ng kaguluhan sa ating bansa. Nananawagan ng people power, nananawagan ng kudeta, yun ba ay tama, Mr. Chair?” dagdag nito.
(Vina de Guzman)