Maraming fans ang nagulat at nagluluksa: BARBIE HSU, pumanaw na sa edad na 48 dahil sa pneumonia
- Published on February 4, 2025
- by Peoples Balita
IKINALUNGKOT ng mga Pinoy fans at sa iba pang panig ng mundo ang biglaang pagpanaw ng Taiwanese actress na si Barbie Hsu sa edad 48.Nakilala siya bilang original na gumanap bilang “San Chai” ng hit drama na “Meteor Garden” kasama ang F4 na kinabibilangan nina Jerry Yan, Vic Chou, Ken Chu, and Vanness Wu na ipinalabas noong 2001.
Nagluluksa ngayon ang maraming fans sa nakagugulat na balita na inilathala ng national news agency ng China na “Focus Taiwan” kahapon, February 3.
Ayon sa lumabas na ulat, kinumpirma ng kapatid niya na ang naging sanhi ng pagkamatay ay dahil sa pneumonia matapos magkaroon ng influenza habang nagsi-celebrate ng Lunar New Year.
“Our whole family came to Japan for a trip, and my dearest and most kindhearted sister Barbie Hsu died of influenza-induced pneumonia and unfortunately left us,” ayon sa naging pahayag ng kapatid ni Barbie.
“I was grateful to be her sister in this life and that we got to care for and spend time with each other.
“I will always be grateful to her and miss her!” dagdag pa niya.
Ang mga naulila ng aktres ay ang South Korean husband na singer at DJ na si Koo Jun-yup at ang 10-year-old daughter nila, pati na rin ang 8-year-old son ng “Meteor Garden” star na anak niya sa dating asawa na Chinese businessman na si Wang Xiaofei.
Matatandaan na ilan pa sa mga pinagbidahan na proyekto ni Barbie Hsu ay ang “Eternity: A Chinese Ghost Story,” “Corner With Love,” “Mars,” “On His Majesty’s Secret Service,” “Future X-Cops,” at marami pang iba. (ROHN ROMULO)