LTO, pinalakas ang alyansa sa sektor ng edukasyon para sa kaligtasan sa kalsada
- Published on February 5, 2025
- by Peoples Balita
PINALAKAS ng Land Transportation Office (LTO) ang pakikipag-ugnayan nito sa sektor ng edukasyon upang isulong ang adbokasiya para sa kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng kampanyang “Stop Road Crash.”
Sa Davao Region, nakipagkasundo ang LTO-Region XI sa Legacy College of Compostela sa Davao de Oro upang sanayin at bigyang-kaalaman ang mga estudyante nito tungkol sa mga alituntunin at regulasyon sa trapiko sa ilalim ng programang S.A.F.E. (Strengthening Advocacy for Future Educators and Drivers) Schools Initiative ng ahensya.
Binigyang-diin ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang kahalagahan ng pagpapalawak ng saklaw ng programa sa edukasyon at pagsasanay sa kaligtasan sa kalsada upang mahubog ang disiplina at responsableng pag-uugali ng mga kabataan bilang mga gumagamit ng kalsada.
“Ang pakikipagtulungan sa pagitan ng LTO at ng mga paaralan ay isang kapuri-puring inisyatiba upang mapalakas ang adbokasiya para sa kaligtasan sa kalsada at mailapit ang mahahalagang serbisyo ng LTO sa mga institusyong pang-edukasyon,” ani Asec. Mendoza. Dagdag pa niya, ito ay alinsunod sa kampanya ng DOTr Secretary Jaime J. Bautista para sa kaligtasan sa kalsada.
Batay sa kasunduan sa pagitan ng Legacy College of Compostela sa pangunguna ni Atty. Joji Bernadette R. Ancog Casidsid at ng LTO-Davao de Oro District Office sa ilalim ng pamumuno ni LTO XI Regional Director Atty. Ernesto Raphael V. Robillo, magbibigay ang ahensya ng mga pangunahing serbisyo ng LTO sa mga estudyante at guro ng paaralan.
Kabilang dito ang libreng Theoretical Driving Course (TDC), pagkuha ng Student Permit, pag-renew ng Driver’s License, at pag-renew ng Motor Vehicle Registration.
Samantala, inatasan naman ang IT Department ng Legacy College of Compostela na bumuo ng isang digital system upang masubaybayan at mapabuti ang epekto ng programa.
“Ito ang nais maisakatuparan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa ilalim ng Bagong Pilipinas ang mailapit sa publiko ang maraming serbisyo ng pamahalaan,” ani Asec. Mendoza.
“Patuloy kaming nagsusulong ng mga programa at proyekto upang gawing mabilis at maginhawa ang aming transaksyon para sa milyun-milyong kliyente. Nais din naming palawakin ang programa ng pagpapatibay ng alyansa sa sektor ng edukasyon sa usaping ito,” dagdag niya. (PAUL JOHN REYES)