Libong Pinay tinatamaan kada taon, Breast Cancer Center itatayo- Solon
- Published on February 5, 2025
- by Peoples Balita
DETERMINADO si Quezon City District V Rep. Patrick Michael “PM” Vargas sa kaniyang commitment na isulong ang programa para sa pagtatayo ng Breast Cancer Center para sa kalusugan ng mga kababaihan sa lungsod at mga karatig nitong lugar.
Sa data, tinatayang libong Pinay ang tinatamaan ng sakit nqa kanser kada taon kung saan karaniwan na dito ang breast cancer kaya umapela si Vargas sa kanyang mga kasamahang mambabatas para sa agarang pag-aapruba sa House Bill (HB) 3500 o ang pagtatayo ng Mammography and Breast Cancer sa Novaliches ng lungsod.
Ang panukalang batas ay kasalukuyang nakabimbin sa House Committee on Health. Ayon kay Vargas sa pamamagitan ng HB 3500 o ang “An Act Establishing a Mammography and Breast Cancer Center in Novaliches “ ay naglalayong magkaloob ng accessible, abot kaya at de-kalidad na breast cancer screening, diagnosis at treatment services sa mga kababaihan nangangailangan ng serbisyo medikal.
Inihayag ng solon na ang itatayong Mammography and Breast Cancer Center ay may state-of -the-art na pasilidad para sa breast cancer screening, maagang diagnosis, at patient support programs.
Samantalang magkakaloob din ito ng subsidiya sa mammograms para sa mahihirap na pasyente at magsasagawa ng awareness campaign para sa maagang pagtuloy ng nasabing karamdaman at maagapan ito bago pa man lumala.
Nabatid na ang laban kontra kanser ay personal para kay Vargas dahilan siya at ang kaniyang kapatid na dating Kongresista at ngayon ay Quezon City Councilor Alfred Vargas ay namatay ang ina sa nasabing karamdaman.