• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:42 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Iligal na nagbebenta ng wildlife, nalambat ng Maritime police

KULONG ang isang lalaki na illegal na nagbebenta ng wildlife species matapos maaresto ng mga tauhan ng Maritime police sa ikinasang entrapment operation sa Quezon City.

Ayon kay Northern NCR Maritime Police Station MARPSTA Chief P/Major Randy Veran, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal na pagbebenta ni alyas ‘Connor’ ng Wildlife species kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang makumpirma na positibo ang report, ikinasa ng MARPSTA ang entrapment operation matapos isa sa mga tauhan ni Major Veran ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek.

Dakong alas-2:23 ng hapon nang dakmain ng mga tauhan ni Major Veran ang suspek matapos bintahan ng isang buhay na Leopard Gecko na nagkakahalaga ng P2,300 ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Barangay San Agustin, Novaliches, Quezon City.

Wala rin naipakita ang suspek na anumang dokumento mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagpapahintulot sa kanya na magbenta at mag-alaga ng nasabing hayop.

Ang nakuhang Leopard Gecko ay dinala sa Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR habang sinampahan naman ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Section 27 ng R.A. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) sa Quezon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)