P1.4M droga, nasamsam sa 2 tulak sa Caloocan drug-bust
- Published on January 19, 2025
- by Peoples Balita
UMABOT sa mahigit P1.4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang tulak ng illegal na droga matapos kumagat sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Acting Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang mga suspek na sina alyas “Kuya”, 44, at alyas “Jojo”, 52, kapwa residente ng lungsod.
Ayon kay Col. Canalas, nag-ugat ang operation matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagpapakalat ng mga suspek ng illegal na droga sa Brgy. 188 at kalapit na mga barangay.
Dakong alas-3:53 ng madaling araw nang agad dambahin ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt Restie Mables ang mga suspek sa Brgy. 188 ng lungsod matapos bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 206 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P1,400,800.00 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong P1,000 boodle money.
Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) under Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni Col. Ligan ang mga operatiba ng CCPS-SDEU sa kanilang propesyonalismo, dedikasyon, at pambihirang pagganap sa napakahalagang operasyong ito.
Aniya, ang matagumpay na operasyon ay isang patunay sa hindi natitinag na pangako ng NPD na puksain ang mga aktibidad ng ilegal na droga at lumikha ng mas ligtas na komunidad para sa mga residente ng Metro Manila. (Richard Mesa)