PBBM sa DBM: Ibalik ang P400-M BRANDING BUDGET ng DoT
- Published on January 17, 2025
- by Peoples Balita
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) na ibalik ang P400 million branding budget para sa Department of Tourism (DOT).
“Restore the P400 million branding budget of DOT to sustain the momentum,” ang naging utos ni Pangulong Marcos sa DBM sa isinagawang pagpupulong kasama si Tourism Secretary Esperanza Christina Garcia Frasco sa Palasyo ng Malakanyang.
Ang pondo ay huhugutin mula sa contingency fund ng Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na handa na ang Pilipinas na simulan ang pagpapalakas sa international image, tinukoy ang kamakailan na accomplishments ng Filipino talents, kabilang ang two-time gymnastics world champion na sina Carlos Yulo at The Voice US champ Sofronio Vasquez, kapwa nagdala ng karangalan sa bansa.
Binigyang diin ng Pangulo na hindi makakaya ng gobyerno na mawala ang momentum.
“We have to maintain the momentum. There is already momentum. It doesn’t hurt that we have people like Sofronio winning The Voice and that we had Caloy Yulo winning the Olympics,” ang tinuran ni Pangulong Marcos.
“All of these things that our people are doing that is great for the Philippines. And then we’re still living off the wonderful performance of Filipino health workers during Covid. Hindi na makakalimutan ‘yon,” dagdag na wika nito.
Muli namang inulit ni Frasco ang sentimyento ni Pangulong Marcos at nagpahayag ng ganap na suporta para sa inisyatiba ng administrasyon para i-promote ang turismo ng Pilipinas.
Sa kanyang naging presentasyon, sinabi ng Kalihim na ang kakapusan sa pondo para sa DOT ay mauuwi sa pagkabawas ng engagement kasama ang target audiences, mas kaunting kalakalan at consumer activation opportunities, at kawalan ng global media placements, kabilang sa iba pang setbacks.
Utang na loob sa global campaign para palakasin ang turismo ng Pilipinas, sinabi ng Kalihim na ang bansa ay nakakuha ng P760 billion sa international visitor receipts mula January 1, 2024 hanggang December 31, 2024.
Idinagdag pa nito na ang foreign tourists sa Pilipinas na matagal na nananatili o may average na 11 gabi noong 2024 kumpara sa siyam lamang noong 2019.
Samantala, pormal na hiniling ng DoT ang pagbabalik ng P400 million branding budget para suportahan ang campaign efforts nito. (Daris Jose)