Estudyante, kasabwat huli sa higit P300K high grade marijuana sa Caloocan
- Published on January 10, 2025
- by Peoples Balita

UMABOT sa P.3 milyong halaga ng high grade marijuana ang nasamsam sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang estudyante matapos matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Capt. Regie Pobadora ang naarestong mga suspek na sina alyas “Mart”, 20, Grade 11 student ng Bagong Barrio at alyas “White”, 19.
Ayon kay Capt. Pobadora, ikinasa nila ang buy bust operation matapos magpositibo ang natanggap na report hinggil sa umano’y pagbebenta ng mga suspek ng high grade marijuana, kabilang ang cannabidiol (CBD) like cigarrette sticks.
Agad pinasok ng mga tauhan ni Capt. Pobadora ang tinitirhang bahay ni alyas White sa Guadalupe St , Brgy., 83, saka inaresto ang mga suspek dakong alas-11:27 ng gabi matapos matanggap ang senyas mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang 18 grams ng hinihinalang high-grade marijuana/kush na nagkakahalaga ng P27,000; 149 packs ng suspected “cannabidiol high grade marijuana” na may katumbas na halagang P312,300 at buy bust money na isang isang tunay P500 bill at 10-pirasong P1,000 boodle money.
Ani Capt. Pobadora, kadalasan daw is online selling ang ginagawang transaksyon ng mga suspek, may gamit umano silang application na telegram, pag paisa-isang stick lang ng “cannabidiol high grade marijuana” mga estudyante, ka-tropa nila at mga tambay sa kanilang lugar yung mga bumibili.
Pinuri naman ni Col. Ligan ang mabilis na pagsisikap ng DDEU at sumusuportang mga unit. “This operation exemplifies the unwavering dedication of our police personnel to uphold justice and maintain peace and order within our communities,” pahayag niya.
Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)