• March 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bagong prisoner transfer program para sa mga Pinoy na nakakulong sa ibang bansa, hiling

HINIKAYAT ng isang mambabatas ang gobyerno na magbuo ng bagong International Prisoner Transfer Program upang mapagsilbihan ng mga Pilipinong nahatulan sa ibang bansa na sa Pilipinas na lamang makulong.
Naniniwala si House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan na makakatulong sa rehabilitasyon sa mga pinoy na nahatulan sa ibang bansa kung sa Pilipinas nila bubunuin ang hatol sa kanila.
Nanawagan din ito sa Department of Foreign Affairs (DFA),  Department of Justice (DOJ), at Department of Migrant Workers (DMW) na magbuo ng bagong ptograma na maaari aniyang ihalintulad sa kaparehong inisyatibo sa United States.
“We need a program that will facilitate the transfer of Filipinos convicted of crimes and incarcerated in other countries, so that they can serve the remainder of their sentences here at home, closer to their families. There’s no question that bringing Filipino offenders closer to their loved ones will be more conducive to their rehabilitation,” dagdag nito.
Sa US, ang kanilang international prisoner transfer program ay pinangangasiwaan ng kanilang Justice’s International Prisoner Transfer Unit, habang ang kanilang Department of State, na katumbas ng DFA sa Pilipinas ang nagsisilbing chief negotiator sa lahat ng prisoner transfer treaties.
Nitong nakalipas na buwan, naka-uwi ng Pilipinas mula Jakarta ang death row survivor na si Mary Jane Veloso matapos makulong ng halos 15 taon dahil sa kasong drug trafficking.
Kasalukuyang nakakulong si Veloso, 39, mula Cabanatuan, Nueva Ecija, sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City matapos ng kanyang repatriation.
Ayon sa huling report ng DMW,  nasa total na 1,254 Pilipino ang na-convict sa iba’t ibang kaso at kasalukuyang nakakulong sa iba’t ibang bansa sa Asia-Pacific, Europe, at Middle East.
(Vina de Guzman)