Lolo, kasabwat tiklo sa drug bust sa Caloocan
- Published on January 7, 2025
- by Peoples Balita

HIMAS-REHAS ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga, kabilang ang 61-anyos na lolo matapos matimbog sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan ang senior citizen na si alyas “JR”, 61, at ang 28-anyos niyang ka-partner na si alyas “Nelson” na magkasabuwat umano sa pagbebenta at pagpapakalat ng ilegal na droga sa Barangay 188 at karatig barangay ng lungsod.
Ayon kay Col. Ligan, ikinasa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng NPD sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora ang buy-bust operation laban sa mga suspek makaraan ang maraming reklamo mula sa mga concerned citizens hinggil sa ilegal na aktibidad ng dalawa.
Dakong alas-4:37 ng madaling araw nang dambahin ng mga operatiba ng DDEU ang mga suspek sa Sampaguita St. Brgy. 188 matapos tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer
Ani Capt. Pobadora, nakuha nila sa mga suspek ang humigit’ kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P136,000.00 at buy bust money.
Pinuri naman ni Col. Ligan ang mga operatiba sa kanilang dedikasyon. “The NPD’s anti-drug campaign remains resolute. We will stay relentless in protecting our communities from this menace.” aniya.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 26, at 11, sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)