• March 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, nakumpleto ang 50% ng housing project sa Brgy. Tinajeros

NANGAKO si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na magbibigay ng higit pa at pagpapahusay ng mga proyektong pabahay para sa seguridad at kaligtasan ng mas maraming Malabueno dahil natapos ng pamahalaang lungsod ang halos 50 porsiyento ng kanilang unang socialized housing project sa Barangay Tinajeros noong 2024.

 

“Ano pa nga po’t mas marami at mas maganda pang mga proyektong pabahay ang layunin natin na maipatayo para sa mga Malabueno ngayong 2025. Ang mga proyekto pong ito na sisiguruhin nating maipatutupad ngayong taon ay bahagi ng ating layunin na lahat ng Malabueno ay mayroong mga tahanang malinis at may dignidad. Alam natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na bahay kaya’t makakaasa po kayo sa ating patuloy na pagsasagawa ng mga programa. Sama-sama tayo, walang maiiwan,” ani Mayora.

 

Sinabi ng City Engineering Department na malaki ang naging pag-unlad nito sa pagtatayo ng 11-palapag na Libertad 1 mid-rise housing project (Building B) sa Sisa Ext., Barangay Tinajeros at malapit na itong mapakinabangan ng nasa 88 Malabuenos.

 

Noong Disyembre 26, 2024, natapos nito ang bored pile works at ang proyekto ay nasa steel work phase na kung saan patuloy ang pagkabit ng mga steel column sa unang walong palapag.

 

Noong nakaraang Oktubre, inilunsad ng City Housing and Urban Development Department (CHUDD) ang Socialized Housing Application ng lungsod kung saan mahigit 18,000 Malabueño ang nag-preregister online na nagpapahiwatig ng kanilang interes na mag-apply. Noong Disyembre 31, nakatanggap ang CHUDD ng 911 na aplikasyon na may mga sumusuportang dokumento.

 

Noong 2024, iginawad ni Mayor Jeannie at ng city governemt ang Certificates of Entitlement of Lot Allocation sa mahigit 440 residente sa Sitio Sto. Nino, Brgy. Baritan, Sangciangco St., Brgy. Catmon, Naglakar, Brgy. Longos, at Orange Road, sa Barangay Potrero.

 

Mayroon ding mahigit 642 pamilya ang nailipat sa St. Gregory Homes sa Barangay Panghulo, isang proyektong pabahay at relokasyon sa lungsod na may 1,380 unit na itinayo katuwang ang pambansang pamahalaan.

 

Layon naman ng Community and Urban Poor Affairs Office (CUPAO) na mailipat ang nasa 3,014 pamilyang nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig sa St. Gregory Homes at iba pang proyektong pabahay para sa kanilang kaligtasan at seguridad.

 

Samantala, ibinahagi ni City Administrator at CHUDD head Dr. Alexander Rosete na simula nang likhain ang CHUDD noong 2023, aktibong kinilala, sinusubaybayan, at ininspeksyon nito ang mga lupaing pag-aari ng pamahalaang lungsod para sa mas maraming pabahay at lote. mga programa. (Richard Mesa)