• March 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOST, magpapatupad ng mga proyekto na aabot sa 2.5 Billion pesos

ILALATAG ng Department of Science and Technology (DOST) ngayong taon ang samu’t saring mga programa at proyekto na nagkakahalaga ng P2.5 billion pesos para sa mas pinahusay na teknolohiya at innovation.
Ito ay ayon kay DOST Secretary Renato Solidum sa bagong Pilipinas public briefing kaugnay sa mga plano ng ahensiya ngayong 2025.
Ayon pa kay Solidum, tututukan ng ahensya ang ilang mga sektor  upang magtagumpay ang mga proyekto para sa interes ng mga Pilipino gaya halimbawa ng sektor ng agrikultura, kalusugan at iba pa.
“Nag-approved na ang ahensya ng mga proyekto para sa taong ito at aabot sa  P2.5 billion piso na naka-line up na”, ani Solidum.
Ang mga proyektong ito aniya ay application ng science at technology at hinimok ang mga estudyante na makilahok para sa mas maunlad na bansa.
“Sana po ang ating mga kabataan ay sumali sa ganitong adbokasiya kasi mas maganda ang ating kinabukasan bilang bansa kung ang mga kabataan ay papasok sa science, engineering, agriculture, mathematics at creative arts”, dagdag pa ni Solidum.
Kabilang sa mga programa ay may kinalaman sa AI o artificial intelligence and geospatial analytics, smart agricultures, smart technology industry 4.0 para sa manufacturing, quantum computing, biologic and pharma at iba pa.
Ipinunto pa ni Solidum na science and technology ang dahilan kaya lumago at umangat ang mga mauunlad na bansa. (PAUL JOHN REYES)