
NAGING maganda nga ang unforgettable ang pagtatapos ng 2024 sa Queen of Soap Opera na si Judy Ann Santos dahil sa pagwawagi niya bilang best actress sa Gabi ng Parangal ng 50th Metro Manila Film Festival para sa napakahusay niyang pagganap sa “Espantaho” na mula sa Quantum Films.
Naging emosyonal nga si Juday nang i-announce na siya ang nanalong best actress at kinabog sina Vilma Santos at Aicelle Santos, na sinasabing matindi niyang nakalaban.
Hindi pa rin daw niya maipaliwanag ang nangyari.
Sey pa niya, “sa lahat ng awards night sa maniwala man or hindi, may parte ng puso mo na hindi ka maniniwala pero may parte ng puso mo na kumakapit na sana.
“Ang cliche sabihin na mapabilang ka sa history ng MMFF 50, ‘yun pa lang ang sarap ng pakinggan. Pero makapag-uwi ka ng award na ganito kabigat in this historic MMFF, walang kapantay, walang kapalit. It’s so good to be part of this history.”
Sa kanya namang Instagram post, ibinahagi ni Judy Ann ang ilang mga litrato nang important milestones ng kanyang buhay sa lumipas na taon.
Panimula niya sa post, “2024… grabe ka.. binusog mo ang buong taon ko ng napakaraming masasayang ganap, from JAK’s comeback.. to memorable trips.. to countless chefs nights.. to great projects.. to new clients, realizations and challenges.. napakaraming dapat at patuloy na ipagpasalamat…”
Pagpapatuloy ng premyadong aktres, “hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa pinaka malaking pasabog mo.. ang mapasama at makapag uwi ng tropeo ng mmff50 para sa “ESPANTAHO”!
“Naluluha pa rin ako pag naiisip ko, kung gaano kakulay itong taong to.. sa bawat isang taong nakasama at nakatrabaho ko.. maraming maraming salamat.. nakaukit kayo sa puso ko.. at lahat ng ito.. hindi posible, kung hindi dahil sa pinaka magandang biyaya sa buhay ko.. ryan, yohan, lucho and luna.. kayo ang buhay ko.
“Maraming salamat po Panginoon sa patuloy na pag gabay at pag protekta… nakahanda ako sayo 2025!”
Excited na nga si Juday ngayong 2025, at hindi raw siya magpaplano tulad ng ginawa niya sa 2024, dahil ipapaubaya na lang ito sa Diyos.
Patuloy pang mapapanood ang ‘Espantaho’ sa mga sinehan hanggang January 7. Pagkatapos ng 50th MMFF, ang ten entries kasama ang iba pang Pinoy films ay mapapanood naman sa 2nd Manila International Film Festival mula January 30 hanggang February 2, 2025, ipalalabas ito sa TCL Chinese Theatre sa Hollywood at magkakaroon ng bongga at star-studded gala sa The Beverly Hilton, Beverly Hills.
(ROHN ROMULO)