Siguradong na-shock ang mga tagahanga: NADINE, nagmarka ang malulutong na pagmumura sa ‘Uninvited’
- Published on November 28, 2024
- by @peoplesbalita
KUNG ang sobrang pag-inom ng alak sa isang showbis affair ang dahilan kung bakit pinag-uusapan ngayon ang isang supporting aktor, ay ang paglalasing din ang ginawang “scape goat” ng dating komedyanteng si Mura.
Kumbaga, ang paglalasing ay ang ginawang bisyo ni Mura ns kilala sa tunay na pangalang si Allan Padua.
Ayon pa kay Nanay Cristy Fermin sa kanyang latest episode ng “Cristy Per Minute” ay may pinagdadaanan umanong depresyon si Mura.
Ayon pa kay Nay Cristy ay nasagap daw niya diumano ang naturang tsika na laging naglalasing si Mura.
“Ang dami-daming nagsasabi, nagkukuwento sa atin na ito raw si Mura ay laging naglalasing. Dahil inatake ng depresyon,” banggit pa ni Nanay Cristy.
“Kahit naman sino talaga, nasunugan ka na ng bahay, wala ka pang proyekto, ‘di ba? Kawawa naman,” dagdag pa rin niya.
Napag-alaman pa rin ni Nay Cristy na may mga ilang taga-showbiz naman daw ang nagpapaabot ng tulong sa dating ka loveteam ng namayapang si Mahal.
“Unang-unang nagpadala sa kaniya ng tulong si Ai Ai Delas Alas. Si Ai Ai talaga pagdating sa mga kapuwa artista na nangangailangan siya ‘yong unang-unang sumasagot kasi alam niya kung paano magsimula sa ibaba,” kuwento pa rin ni Nay Cristy.
Marami naman sa mga malalapit na kaibigan ni Mura ang nagdarasal na sana nga raw ay mabigyan ng mga proyekto nang maipangtustos sa araw-araw na pangangailangan nito.
Sana nga lang ay mapansin ni Direk Coco Martin at maisama si Mura sa kanyang “Batang Quiapo”.
Matatandaang naiulat noong Mayo na nasunog ang bahay ni Mura at walang kahit anong gamit na nailigtas.
***
SA bonggang Prescon ng “Uninvited“ ay kapansın-pansin at talaga namang nagmarka sa lahat nang nakapanood ng trailer ang malutong na pagmumura ni Nadine Lustre kay Aga Muhlach na gumaganap na tatay sa movie.
Siguradong marami sa mga tagahanga ang masa-shock sa role ni Nadine sa nasabing pelikula na pinagbibidahan din ng Star for All Seasons Vilma Santos na official entry ng Mentorque Productions at Project8Projects sa 50th Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa December 25.
Sa nasabing project ay first time na nakasama ng 38th Star Awards Best Actress sina Vilma at Aga.
Kahit ang mga kasamahang writers ay naloka sa eksena ni Nadine sa ipinalabas na full trailer ng movie sa bonggang grand mediacon ng “Uninvited” na ginanap sa Solaire Resort North, sa Quezon City.
(JIMI C. ESCALA)
