Isinapuso talaga ang pagganap sa OPM icon: JOHN, naramdaman na parang sinaniban ni APRIL BOY
- Published on November 25, 2024
- by @peoplesbalita
SA celebrity premiere night ng ‘IDOL: The April Boy Regino Story’ na ginanap sa ballroom ng Great Eastern Hotel sa QC, nakatsikahan namin ang baguhang aktor na si John Arcenas, na gumaganap bilang April Boy Regino.
Kinuwento niya ang naranasan sa pagpunta sa bahay ng OPM icon sa Marikina City para kausapin ang misis nito na Made at tingnan na rin ang mga gamit nito.
“Actually noong first day of shooting namin, kailangan ko talagang i-internalize si April Boy. Ayokong umarte na nararamdaman ko pa rin si John Arcenas. Kaya sinapuso ko talaga si April Boy, at naramdaman ko talaga siya sa akin,” pahayag ni John.
“Pinakinggan, kinanta ko muna ang mga kanta niya, yun talagang ginawa ko. And then, pinanood ko rin ang mga pelikula niya.
“Nag-research din ako, pinanood ko ang mga interview niya. May isang interview akong napanood na bulag na nga siya, na kinuwento niya ang mga naging sakit niya, at mga challenges niya sa buhay.
“Pero noong nag-shooting kami sa bahay nila, sa mismong kuwarto ni April Boy, may isang eksena na pinasuot sa akin yun polo niya mismo, na ginamit noon sa isang show. Si Tita Madelyn po ang nagpahiram.
“So habang suot ko ang damit, kinikilabutan talaga ako, ang lamig-lamig ng katawan ko!”
Dagdag pa ni John, “sabi nga ng mga kasama namin, parang nakita raw talaga nila si April Boy sa akin noong oras na `yon. Kasya rin kasi sa akin ang damit niya.
“Pero sa totoo lang, noong una kabado ako, ayoko talagang isuot. Kasi, respect din kay April Boy, di ba? Pero, ang nagsabi naman sa akin na isuot ko, ‘yung wife rin talaga ni April Boy.
“So, sinuot ko talaga. Pakiramdam ko, sumanib talaga sa akin si April Boy. Kinilabutan ako. Nanlamig ako.”
Natanong din namin si John habang kabaai si Kate Yalung na gumaganap naman bilang si Madelyn na asawa ni April, kung na-tackle ba sa movie ang magiging seloso ang fans, kaya kailangan itago ang relasyon…
“Naikuwento nga sa amin ni Direk Efren Reyes na noon daw po seloso ang mga fans. Pero sa movie, makikita kung paano nagsimula ang love story nina April Boy at Madelyn. Ang unang minahal ni April Boy ay si Madelyn, at ang unang minahal din ni Madelyn ay si April Boy.
“At sila hanggang dulo, kaya mapapanood as pelikula na may forever.”
Matutunghayan nga sa movie ang ilan sa pinasikat na kanta ni April Boy tulad ng ‘Di Ko Kayang Tanggapin’, ‘Sana’y Laging Magpapiling’ at ‘Umiiyak Ang Puso’ at mga cover songs.
Binahagi naman ni John na favorite niya ang ‘Umiiyak Ang Puso’ dahil sa nakapaganda ang mensahe nite.
“At akala natin umiiyak… ang mensahe na yun ay para sa kasintahan niya o dati para sa babae, iyon pala sinulat niya yun para sa Diyos.
“Lalo na nung parang feeling niya tumalikod siya sa Diyos at sinabi niya na sinulat niya yung kantang yun dahil umiiyak yung puso niya dahil sa Diyos,” pahayag ni John.
Ipalalabas na sa mga sinehan ang ‘IDOL: The April Boy Regino Story’ sa November 27. Prodyus ito ng Premiere WaterPlus Productions at Executive Producer na si Marynette Gamboa.
(ROHN ROMULO)
