Rizal Memorial pansamantlang isasara dahil sa isasagawang decontamination
- Published on July 31, 2020
- by @peoplesbalita
Pansamantalang isasara ang Rizal Memorial Sports Complex ngayong sa loob ng isang araw para sa isasagawang decontamination.
Sa isang panayam, sinabi ni ‘Hatid Tulong” initiative head Asec. Joseph Encabo, isasailalim sa lockdown simula alas-9:00 ng umaga ngayong Hulyo 30, 2020 ang buong complex.
Ito ay matapos na mamalagi doon sa mga nakalipas na linggo ang mahigit 6,500 locally stranded individuals (LSIs).
Sinabi ni Encabo na pansamantalang pinalisan din muna nila ang iba pang mga taong nagtatrabaho sa loob at palibot ng sports complex kabilang na ang mga empleyado ng Philippine Sports Commission at Manila Department of Public Services.
Sa ngayon, sinabi ni Encabo na wala nang LSIs sa mga stadiums ng complex matapos na makasakay sa barko papuntang Zamboanga Peninsula ang last batch ng 1,017 stranded passengers.
Magmula noong Sabado, 6,583 katao ang nag-avail ng travel assistance sa mga probinsya bilang bahagi ng ikalawang batch ng Hatid Tulong initiative.
Pero 48 rito ang nagpositibo sa rapid tests na isinagawa sa mga pasahero bago payagan makauwi ng kanya-kanyang probinsya.
Sa ngayon, hinihintay pa ng mga ito ang resulta naman ng isinagawang swab test sa kanila.
Nananatili ang mga ito sa kasalukuyan sa iba’t ibang quarantine facilities sa Manila. (ARA ROMERO)