Lalaki timbog sa baril sa Valenzuela
- Published on September 30, 2024
- by @peoplesbalita
KULONG ang isang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril nang halughugin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant sa Valenzuela City.
Sa report ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang Malinta Police Sub-Station (SS4) na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang 38-anyos na lalaki na si alyas “Boy Bakal”.
Nang makakuha ng kopya ng search warrant na inilabas ni Executive Judge Mateo Altarejos ng Valenzuela Regional Trial Court para sa paglabag sa RA 10591, agad sinalakay ng mga tauhan ng SS4 sa pangunguna ni P/Capt. Selwyn Villanueva ang bahay ng suspek sa Dulong Tangke St., Brgy. Malinga dakong alas-7:50 ng gabi.
Sa isinagawang paghalughog nina PCpl Gilbert Asirit at PCpl Harold Payopay, nasamsam nila sa loob ng bahay ng suspek ang isang calibre .38 revolver na may dalawang bala.
Nang walang maipakitang mga papeles hinggil sa ligaledad ng naturang baril ay pinosasan ng mga pulis ang suspek para sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act.
Ani Col. Cayaban, prayuridad nila ang kaligtasan ng komunidad at ang matagumpay aniya na pagpapatupad ng warrant ay binibigyang-diin ang kanilang pangako na tiyaking ang mga baril ay hindi mapupunta sa maling mga kamay. (Richard Mesa)