LTO, PNP pumirma ng data-sharing agreement para sa mabisang pag-iwas at paglabas sa krimen
- Published on September 30, 2024
- by @peoplesbalita
PINALAKAS ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP) ang kanilang ugnayan sa pagpapatupad ng batas matapos lagdaan ang isang kasunduan sa data-sharing na magbibigay-daan sa mga imbestigador ng pulisya na magkaroon ng access sa mga record ng mga sasakyan, partikular na ang mga ginagamit sa kriminal na aktibidad.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, ang memorandum of agreement na nilagdaan ng mga matataas na opisyal ng PNP at LTO ay isa sa mga mahalagang hakbang sa digital shift na nais ipatupad ni Pangulong Marcos, hindi lamang sa mga serbisyong pampamahalaan kundi pati na rin sa mga usaping pagpapatupad ng batas.
“With most of the criminal elements going digital, the PNP and the entire government law enforcement machinery must be one step ahead in order to be effective and efficient in crime prevention and crime-busting,” ani Abalos.
“This agreement is a testament to the necessity of embracing technological innovations in the government’s efforts to make sure that every citizen is safe whether they are on the streets or in their homes,” dagdag niya.
Ang memorandum of agreement ay nilagdaan nina PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II.
Batay sa kasunduan, sinabi ni Assec Mendoza na bubuo ang LTO ng isang verification facility sa LTO IT Systems na magbibigay kakayahan sa PNP, sa pamamagitan ng Highway Patrol Group (PNP-HPG), na i-verify ang impormasyon ng mga record ng rehistro ng mga sasakyan na iniimbestigahan o naka-alarm.
Dagdag pa ni Assec Mendoza, ang kasunduan ay magbibigay-daan din sa pansamantalang pagtatalaga ng awtorisadong tauhan mula sa HPG sa LTO Command Center upang masuri ang mga record ng rehistro ng mga sasakyang iniimbestigahan o naka-alarmang status.
Ngunit binigyang-diin niya na ang pag-verify ay limitado lamang sa “read-only basis” at sasaklawin lamang ang mga detalye sa Certificate of Registration at Official Receipt history ng record ng rehistro kabilang ang mga nakaraang paglilipat ng pagmamay-ari at encumbrances at iba pang mga bagay na may kaugnayan sa imbestigasyon.
Sa kabilang banda, ang PNP ay inaatasang pahintulutan ang LTO na beripikahin ang Motor Vehicle Clearance Certificate (MVCC) na isinusumite ng nagrerehistro para sa unang rehistro ng mga sasakyan, at iba pang mga transaksyong tulad ng paglilipat ng pagmamay-ari, pagbabago ng makina/chassis, kulay at disenyo ng katawan upang matiyak ang pagiging lehitimo ng MVCC.
Ayon pa kay Assec Mendoza, ang beripikasyon ay isasagawa ng PNP-HPG Motor Vehicle Clearance Division, na magagamit ng PNP-HPG nang walang bayad o karagdagang gastos sa kanilang mga kliyente.
Nilinaw ni Assec Mendoza na ang pag-upload ng MVCC ay pansamantalang solusyon lamang habang ang PNP-HPG ay nasa proseso ng paglipat sa bagong IT system na bahagi ng kanilang programa sa modernisasyon.
“This agreement only solidifies the already existing PNP-LTO partnership on the aspect of law enforcement and eventually ensures President Marcos’ commitment to good peace and order situation in the country,” ani Assec Mendoza.
“The LTO is doing well in its digital transformation and we are happy to share our insights and inputs to the PNP, especially on matters pertaining to land transportation,” dagdag niya.
Samantala, pinuri ni PNP Chief Marbil ang LTO sa pamumuno ni Assec Mendoza dahil sa pakikiisa sa layunin ng PNP na magkaroon ng epektibo at mahusay na pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng mga digital innovations.
“We have been pushing for this kind of partnership even before. And I am happy that under my watch, this was finally realized,” ani PNP Chief Marbil.
“This should help streamline shorten the timeline for issuance of police clearances necessary for vehicle registration and transfer,” dagdag niya. (PAUL JOHN REYES)