Speaker Romualdez, Tingog itinulak agarang pagbibigay ng P20M ayuda sa mga nasunugan sa Tondo
- Published on September 20, 2024
- by @peoplesbalita
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., itinulak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ng Tingog Partylist ang agarang pagpapalabas ng P20 milyong halaga ng cash assistance para sa may 2,000 pamilyang nasunugan sa Barangay 105 Aroma sa Tondo, Manila noong Sabado.
Ang tig-P10,000 tulong sa bawat pamilyang nasunugan ay kukunin sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa cash assistance, nakipagtulungan din ang tanggapan ni Romualdez sa Tingog Partylist na pinangungunahan nina Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre para sa pamimigay ng mainit na pagkain sa mga biktima noong Linggo.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada Jr., sa pakikipagtulungan sa tanggapan ni Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr. ay nakapamigay ng 4,500 bowl ng lugaw at arroz caldo sa General Vicente Lim Elementary School evacuation center, Barangay 105 at Barangay 106 covered courts.
Nagpasalamat naman si Dionisio kina Pangulong Marcos, Speaker Romualdez at DSWD Secretary Gatchalian sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga nasunugan.
Umaasa si Gabonada na mabilis na makababangon ang mga biktima ng sunog. (Vina de Guzman)