PBBM, hiniling sa mga Pinoy na mahalin ang Pambansang Wika
- Published on August 3, 2024
- by @peoplesbalita

HINILING ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Filipino na mahalin ang Pambansang wika, binigyang diin ang kahalagahan ng layunin ng bansa na makamit ang pagkakaisa at pangalagaan ang ‘Filipino identity.’
“Ang okasyong ito ay nagsisilbing mahalagang paalala sa atin na mahalin ang wikang Filipino nang bukal sa ating puso at nanggagaling sa kamalayan na ang mga wikang minana ay nagtatanghal ng ating kahanga-hangang pagkakakilanlan bilang isang lipi,” ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Marcos para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
“Subalit ang Buwan ng Wikang Pambansa ay hindi lamang isang paalala; ito ay isa ring paanyaya na patuloy nating mahalin at pagyamanin ang ating mga wika. Hitik ang ating panitikan ng mga obrang tiyak na magpapalalim ng ating pag-ibig sa bayan at makapanghihikayat sa bagong henerasyon na tangkilikin din ang sariling atin,” aniya pa rin.
Hinikayat naman ng Pangulo ang mga Filipino na tanggapin ang ganitong kamulatan sa puso at isip para pangalagaan ang ang ‘greater collaboration’ sa hanay ng mga ito para sa progresibo, malaya at pinag-isang bansa.
Habang dinadakila ng bansa ang ‘month-long celebration’ na may temang “Filipino: Wikang Magpapalaya” sinabi ng Pangulo na ang Presidential Proclamation No. 1041 ipinalabas noong 1997, “is a cornerstone in the strengthening of our unity and sense of self and the reason why we celebrate these qualities.”
“Ilan sa mga nabanggit ay ang pakinabang ng pagkakaroon ng wikang panlahat, ang malaking ambag nito sa pagkamit ng kasarinlan ng ating bansa, at ang kapangyarihan nito na buksan ang ating mga mata at isipan sa kahalagahan, karanasan, at kakayahan ng bawat isa,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Matatandaang, nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Proclamation No. 1041 noong Hulyo 15, 1997, dahilan para ang buwan ng Agosto ay “Buwan ng Wikang Pambansa,” o National Language Month. (Daris Jose)