PDu30, kinunsiderang palitan sa puwesto si Customs chief Rey Guerrero
- Published on August 28, 2020
- by @peoplesbalita
UMAMIN si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kanyang ikinunsidera na palitan na si retired general Reynaldo Guerrero bilang pinuno ng Bureau of Customs (BOC).
Subalit nilinaw ng Pangulo na hindi ito dahil sa korapsiyon kundi dahil sa ipinagkakaloob nitong tiwala sa mga taong hindi naman dapat pagtiwalaan.
Special mention dito ng Pangulo si BOC Chief of Staff Teodoro Jumamil na para sa kanya ay matagal na niyang sinabi kay Guerrero na alisin sa puwesto dahil corrupt.
“Well, I was considering — Jagger, I was considering of replacing you not because of anything. I can vouch na malinis ka. Problem is ‘yung — do not entertain loyalties especially in government. If you think that that idiot is going to destroy you, you destroy him first,” ayon sa Pangulo.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte na may hawak na dalawang posisyon si Jumamil, isa aniya sa DBP at empleyado rin ng Customs Bureau.
Giit ng Pangulo na hindi dahil sa nakatulong sa kanya si Jumamil ay magpipikit mata na siya sa mga ginagawa nito na aniyay matagal ng namamayagpag at sisira kay Guerrero.
Walang duda ayon sa Pangulo na malinis si Guerrero na ang kailangan ngayon ay tulong sa Customs.
Bukod sa PHILHEALTH, BOC naman ang pinasisiyasat ni Pangulong Duterte sa DOJ kaugnay ng sinasabing namamayagpag pa ding katiwalian sa ahensiya. (Daris Jose)