Tatay na pumatay sa anak sa Navotas, himas-rehas
- Published on May 8, 2024
- by @peoplesbalita
HIMAS-REHAS ngayon ang 61-anyos na lalaki matapos mapatay sa saksak ang kanyang sariling anak sa Navotas City.Sa ulat ni P/MSg. Allan Bangayan kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, alas-3:45 ng Linggo ng hapon nang magkaroon ng pagtatalo ang kinakasama ng biktimang si alyas “Ryan”, 35 at anak na babae ng suspek na si alyas “Nap” sa harap ng kanilang bahay sa Bicol Area, Brgy. Tanza 2.
Kapwa umano umawat sa naturang pagtatalo ang mag-ama hanggang sa pumasok ng kanilang bahay ang suspek.
Gayunman, nang paglabas ng suspek ay armado na ito ng patalim at kaagad tinarakan sa dibdib ang anak bago mabilis na tumakas dala ang ginamit na armas.
Kaagad namang isinugod ang biktima ng kanyang dalawang kapatid na babae sa Navotas City Hospital subalit, idineklarang dead-on-arrival.
Sa ikinasa namang follow-up operation nina P/Lt. Roberto Furuc, Commander ng Navotas Police Sub-Station-1 ay nadakip ang suspek dakong alas-6:05 ng gabi na mahaharap sa kasong Parricide. (Richard Mesa)