Valenzuela LGU nagbigay ng 4 motorcycle patrols sa Barangay Parada
- Published on May 3, 2024
- by @peoplesbalita
NAGBIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng karagdagan apat na unit na mga bagong motorcycle patrol sa Barangay Parada para magamit nila sa pagpapatrulya sa kanilang nasasakupan.
Pinangunahan ni Mayor WES Gatchalian ang pormal na pagturn-over ng naturang mga motorcycle patrol kay Barangay Parada Punong Barangay John Ajero na ginanap sa 3S Center, Parada.
Ayon kay Mayor Wes, ang mga binigay na yunit ay dapat gamitin ng kanilang barangay police upang matiyak ang maayos at ligtas na komunidad para sa kanilang mga nasasakupan.
Ang inisyatiba na ito ay naaayon sa pangako ng lungsod na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa bawat komunidad gayundin ang pagtatatag ng isang mas matitirahan na lungsod kung saan ang mga tao ay makakalakad nang ligtas sa gabi nang hindi nababahala tungkol sa anumang pinsala.
Dumalo rin sa event sina Councilor NiƱa Lopez, Councilor Mickey Pineda, mga kagawad ng Parada, Barangay Parada Sangguniang Kabataan Council, mga pinuno ng komunidad ng Parada at iba’t ibang sektor. (Richard Mesa)