2 ‘tulak’ binitbit sa P92K droga sa Caloocan
- Published on March 21, 2024
- by @peoplesbalita
NASAMSAM ng pulisya sa dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga ang mahigit P90,000 halaga ng shabu nang matiklo sa buy-bustoperation sa Caloocan City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang mga naarestong suspek na sina alyas ‘JR’ at “Jay-Jay”, kapwa residente ng BMBA Compound, 3rd Avenue, Brgy. 120.
Ayon kay Col. Lacuesta, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy-bust operation kontra sa mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa illegal drug activities ng mga ito sa kanilang lugar.
Nang tanggapin nila ang marked money na may kasamang boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng droga ay agad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek dakong alas-12:40 ng madaling araw sa BMBA Compound, Brgy. 120.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 13.60 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P92,480.00 at buy bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Pinuri naman ni Gen. Gapas ang Caloocan police sa kanilang pagsisikap para maaresto ang mga taong sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga bilang tugon sa inilatag na agenda ng PNP Chief na “Aggressive and Honest Law Enforcement Operations”. (Richard Mesa)