DepEd, nagbabala vs pekeng ‘pang-baon’ posts
- Published on March 8, 2024
- by @peoplesbalita
BINALAAN ng Department of Education (DepEd) ang publiko hinggil sa mga post sa social media na namimigay umano ang ahensiya ng ‘pang-baon’ sa mga elementary students.
Sa misinformation alert ng DepEd, mahigpit din nitong pinayuhan ang mga magulang at mga guardians na huwag ibigay ang school information at identification ng kanilang mga anak sa mga ganitong uri ng mapanlinlang na paskil upang hindi makumpromiso ang kanilang seguridad.
Nauna rito, kumalat ang isang pekeng post na nagsasaad na ang mga mag-aaral na nasa Grade 1 hanggang Grade 6 ay pagkakalooban umano ng DepEd ng ‘pang-baon.’
Anang pekeng post, ang mga Grade 1 pupils ay bibigyan ng tig-P1,000; P2,000 sa Grade 2; P2,500 sa Grade 3; P3,000 sa Grade 4; P4,000 sa Grade 5 at P5,000 sa Grade 6 pupils.
Nakasaad pa na ang requirement lamang upang makakuha ng ‘pang-baon’ ang mga mag-aaral ay school ID at ang deadline ng pagsusumite nito ay sa Marso 30, 2024.
Pinabulaanan naman ito ng DepEd, at sinabing, “The Department of Education (DepEd) warns the public about FAKE posts claiming that they give out “pang baon” for Grade 1 to 6 learners.”