• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 9:13 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Baon sa lahat ng estudyante, isinusulong

ISINUSULONG ng isang mambabatas ang paglalaan ng taunang cash assistance na P1,000 sa pre-elementary, P2,000 sa elementary, P3,000 sa junior high school, P4,000 sa senior high school at P5,000 sa mga college students.

 

 

 

Nakapaloob ito sa House Bill 6908 na inihain ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.

 

 

 

Ayon sa mambabatas, ipinasa noong 1988 ang batas para sa Free Public Secondary o High School Education.

 

 

 

Matapos ang halos 30 taon noong 2016 ay isinabatas naman ang Universal Access to Quality Tertiary Education o ang Free College Education Program Law.

 

 

 

“Napapanahon na upang atin pang dadagdagan ang access sa edukasyon ng lahat ng ating mga kabataan at mamamayan. Patotohanan din natin ang pagbibigay ng pinakamataas na prayoridad ng budgetary allocation sa edukasyon na syang utos ng ating Saligang Batas. Let’s institutionalize a universal educational assistance program,” anang bagitong mambabatas.

 

 

 

Sakop ng cash assistance sa ilalim ng panukala ang lahat ng estudyante sa public o private schools.

 

 

 

Wala umanong magiging requirement sa economic condition ng student beneficiary o kanyang pamilya para makakuha ng tulong o assistance. Gayundin walang limitasyon aniya sa bilang ng beneficiaries kada amilya.

 

 

 

Ngunit, para magatuloy ang ibinibigay na assistance ay kailangang naka-enroll at dumadalo ng klase o 80% attendance ang student beneficiary.

 

 

 

Magkakaroon rin ng assessment sa halaga ng cash assistance upang maikunsidera ang inflation at iba ang economic indicators na makakaapekto dito. Ang cash ay ipamamahagi sa pamamagitan ngelectronic cash transfer.

 

 

 

“Alam natin na kailangan nating dagdagan at ayusin ang ating mga school buildings. Kailangan din mag upgrade ng ating mga school facilities, laboratories at mga computers. Ang ating mga guro ay nararapat na mabigyan ng sapat at kaukulang mga trainings at skills upgrading.Subalit, ang ating mga mag aaral ang una dapat sa lahat. Ang cash assistance sa House Bill 6908 ay maliit na baon lamang, subalit malayo ang mararating nito upang ang ating mga estudyante ay makapasok araw-araw at tuluyang makatapos ng pag aaral,” pagtatapos ni Luistro .  (Ara Romero)