• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 12:16 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Zubiri, Romualdez nagkasundo: ‘Word war’ tigil na

NAGKASUNDO na sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Speaker Martin Romualdez na itigil na ang “word war” sa pagitan ng dalawang kapulungan ng kongreso dahil sa kontrobersiya sa Charter Change sa pamamagitan ng People’s initiative (PI).

 

 

Ayon kay Zubiri, ginawa nila ang kasunduan sa harap mismo ni President Bongbong Marcos sa birthday celebration ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa Malacañang.

 

 

Sa harap ng Pangulo ay nagkamayan sila at nagkausap ni Romualdez at napagkasunduan din na itigil na ang bangayan at sa halip ay propesyunal na magtrabaho para sa benepisyo ng administrasyon at ng mga Filipino.

 

 

Sa tanong kung mayroong utos sa mga miyembro ng Senado at Kamara na itigil ang bangayan, sinabi ni Zubiri na depende ito sa mga senador at kongresista, subalit sa panig nila ay handa naman silang kalimutan ang lahat.

 

 

Dahil dito kaya umaasa si Zubiri na magkakaroon na ng “smooth flow” sa bicameral conference committee meeting at sa mga hearing ng Committee on Appointments.

 

 

Sa tanong naman kung susunod ang Senado sa panawagan ng Kamara na itigil ang imbestigasyon sa people’s initiative, sagot ni Zubiri hindi niya maaaring pigilan ang mga miyembro ng komite na ituloy ang pagdinig. (Daris Jose)