Most wanted na rapist, nakorner sa Valenzuela
- Published on January 16, 2024
- by @peoplesbalita
HIMAS-REHAS ang binata na inakusahan ng panggagahasa sa isang menor-de-edad matapos masukol ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., ang naarestong akusado na si alyas “Bryan”, 24 ng Brgy. Parada ng lungsod.
Sa ulat ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) kung saan ang eksaktong lugar na kinaroroon ng akusado.
Bumuo ng team ang WSS sa pangunguna ni P/Lt. Ronald Bautista, kasama ang Northern NCR Maritime Police Station saka ikinasa ang joint manhunt operation kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakadakip kay Bryan dakong alas-6:30 ng gabi sa Alicia St., Fortune 4, Brgy., Parada.
Ani Lt. Bautista, hindi naman pumalag ang akusado nang isilbi nila sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ni Valenzuela City Family Court, Branch 16 Presiding Judge Mateo B Altarejos nitong January 12, 2024, para sa kasong Statutory Rape.
Pinuri naman ni Gen. Gapas ang Valenzuela police sa kanilang masigasig na kampanya kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado na pansamantalang ipiniit sa custodial facility unit Valenzuela CPS habang hinihintay ang paglalabas ng commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)