2,000 ESTUDYANTE NG UDM, NAKATANGGAP NG TIG-P5K TULONG PINANSIYAL
- Published on December 19, 2023
- by @peoplesbalita
NASA 2,000 estudyante sa kolehiyo ang nakatanggap ng maagang “Pamasko” makaraang maghatid ng P10 milyon halaga ng educational assistance si Senadora Imee R. Marcos sa Universidad de Manila nitong Biyernes, Disyembre 15.
Sinalubong ng kapatid ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Liga ng mga Barangay President Konsehala Lei Lacuna si Senadora Imee pagdating nito sa nasabing unibersidad kung saan personal itong nagpasalamat makaraang mapili ang mga piling estudyante dito na maging benepisyaryo ng nabanggit na tulong pinansiyal.
Nabatid na nakatanggap ng tig-P5,000 tulong pinansyal mula sa programang Assistance to Indivuduals in Crisis Situations (AICS) ng ahensya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga napiling estudyante.
“Sana makatulong po ito at magamit sa tamang paraan, at kayong lahat ay sana ay maka-graduate sa lalong madaling panahon. Pagka’t yan lang naman ang pangarap nating lahat na makapagtapos ang ating mg anak, makahanap ng maayos na trabaho at maibalik ang tulong sa mga pamilya natin,” ani Senadora Marcos.
Bukod sa nasabing tulong pinansiyal ay nagbigay din ng mga computer package ang opisina ng senadora para sa mga estudyante. (Jay Reyes)