• April 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

11 DRUG-CLEARED BARANGAY, PINARANGALAN NG QC LGU

KINILALA at pinarangalan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang labing isang drug-cleared barangay bilang pagsusulong ng isang drug-free city.

 

 

Ang mga barangay na ito ay ang Project 6, Sto. Cristo, Veterans Village, Batasan Hills, San Isidro Galas, Sto. Nino, Kamuning, Sikatuna, Malaya, Sta. Monica, at San Bartolome.

 

 

Sa kabuuan, malinis na mula sa impluwensya ng iligal na droga ang 94 barangays sa lungsod dahil na rin sa pagsisikap ng QC Anti-Drug Abuse Council at ng Barangay Drug Clearing Program ng lokal na pamahalaan.

 

 

Pinarangalan din nina Mayor Joy Belmonte, Vice Mayor Gian Sotto, kasama ang mga konsehal, ang QC Police Station 4 (Novaliches) para sa pagtala nito ng “Most Number of Drug Cleared Barangay,” at “Most Number of Operations” simula Enero 2023.

 

 

Kasabay nito ang pag-award din sa QCPD-District Drug Enforcement Unit dahil sa kanilang “Most Number of Confiscated Drug” sa lungsod. Umabot sa 3.5 kls. ng shabu ang kanilang nasabat na nagkakahalaga ng P24 million.

 

 

Ang mga programa at inisyatiba ng lokal na pamahalaan laban sa illegal drugs ay naka angkla rin naman sa kontra iligal na droga program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand BongBong Marcos Jr. sa pangunguna ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Benhur Abalos Jr. na tinaguriang BUHAY INGATAN, DROGA’Y AYAWAN o mas kilala bilang BIDA PROGRAM. (PAUL JOHN REYES)