Kelot kulong sa shabu at pandadakma ng puwit ng dalagita
- Published on September 12, 2023
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang 27-anyos na lalaki nang makuhanan ng shabu at panggigilang dakmain ang puwitan ng 16-anyos na dalagitang estudyante sa Valenzuela City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 11313 o ang Anti-Bastos Law at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang suspek na si Jethro Dionson, ng16 Lemon St. Brgy. CAA BF. Homes, Las PiƱas City.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas mula kay P/Capt. Richie Garcia, Commander ng Valenzuela Police Sub-Station 9, nagtungo ang biktima, kasama ang mga kaibigan sa isang convenience Store sa Maysan Road, Brgy. Maysan upang bumili ng ice cream dakong alas-8:30 ng gabi.
Habang nakatayo ang biktima malapit sa pintuan ng establisimiento, nang biglang lumapit si Dionson at dinakma ang puwitan ng dalagita na napasigaw dahil sa pagbigla, sabay itinulak ang suspek.
Tumakbo ang suspek palabas at nagtago sa kalapit na terminal ng sasakyan habang isang rider naman na nakasaksi sa pangyayari ang humingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ng SS-9 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Dinala ang suspek sa presinto at nang atasan siya na ilabas ang laman ng kanyang bulsa ay natuklasan ang isang plastic sachet na naglalaman ng .05 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340.00. (Richard Mesa)