PBBM, pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mga residente ng Pampanga
- Published on August 8, 2023
- by @peoplesbalita
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong mula sa gobyerno para sa mga residente ng Pampanga na apektado ng kamakailan lamang na kalamidad.
Tiniyak ng Pangulo sa mga sa mga ito ang patuloy na suporta ng pamahalaan.
Kabilang sa mga ahensiya na nagpaabot ng tulong sa mga residente ng Pampanga ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), the Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Agriculture (DA).
“Kaya po ‘yan po ang aking sadya rito ngayon. Kaya sana naman ay maayos ang ating pagbigay ng tulong sa ating mga kasama, sa ating mga kababayan na inabot nitong bagyong ito, saka ‘yung mga baha na naging resulta ng mga bagyo,” ayon kay Pangulong sa nasabing event sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City.
“Kaya’t nandito lang po kami para tiyakin na maganda po ang patakbo. Mukha naman maayos ang patakbo ng ating pagbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Nandito po ang pamahalaan ninyo at laging handa na tumulong sa lahat ng nangangailangan po,” aniya pa rin.
At dahil sa biglang pagbabago ng panahon resulta ng climate change, sinabi ng Pangulo na kailangan na tutukan ng gobyerno ang tiyakin ang kapakanan ng mga mamamayan sa panahon ng malawakang pagbaha.
Sa nasabi pa ring event, namahagi ang DSWD ng food packs at P10,000 kada isa sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program para sa 1,000 benepisaryo.
Sa kabilang dako, nagpaabot naman ang DOLE ng P2.3 million sa 500 benepisaryo mula Pampanga sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating mga Disadvantaged Workers (TUPAD) program.
Ang DOLE ay mayroong standby fund na P65 million para sa 14,000 TUPAD beneficiaries at nakapagbigay ng panibagong P30 million noong Agosto 4 para sa TUPAD program sa Pampanga sa pamamagitan ng regional office nito.
Nagkaloob naman ang departamento ng P6.4 million na halaga ng livelihood assistance sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) nito sa 7 LGUs gaya ng Candaba, Macabebe, Masantol, Arayat, Porac, at Sta. Ana, Pampanga.
Nagkaloob naman ang DA ng sertipiko na nagkakahalaga ng P21.6 million sa Province of Pampanga kung saan kabilang na rito ang “13,354 bags ng certified seeds na nagkakahalaga ng P20.2 million para sa 8,723 farmer-beneficiaries; 186 bags ng hybrid yellow corn at 15 bags ng open-pollinated variety na nagkakahalaga ng P1.1 million para sa 154 farmer-beneficiaries; at sari-saring vegetable seeds na nagkakahalaga ng P230,000 para sa162 farmer-beneficiaries.”
Samantala, matapos ang pamamahagi ng tulong, sumali naman si Pangulong Marcos sa situation briefing sa Pampanga Capitol para i-assess ang pinsala ng kamakailan lamang ng mga bagyo at matinding pagbaha sa lalawigan para madetermina ang karagdagng tulong na maaaring ibigay sa apektadong populasyon. (Daris Jose)