PBBM, binalaan ang mga smuggler at hoarder
- Published on July 26, 2023
- by @peoplesbalita
BILANG na ang mga araw ng mga smuggler at hoarder na ‘yan.” Ito ang binitiwang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pangalawang State Of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, Lungsod ng Quezon.
Iginiit nito na hahabulin at ihahabla ng gobyerno ang mga agricultural smugglers at hoarders.
Para sa Pangulo, mga manloloko at mandaraya ang mga ito na nagsasamantala sa mga magsasaka at consumers.
Tinalakay kasi ng Pangulo sa kanyang SONA ang paksa ukol sa smuggling, alamin ang mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at goods.
“Isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang mga smuggler, mga hoarder, at mga nagmamanipula ng presyo ng produktong agrikultura,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“Hinahabol at ihahabla natin sila. Sadyang hindi maganda ang kanilang gawain at hindi rin ito tugma sa ating magandang layunin,” anito.
“Pandaraya ang kanilang ginagawa. Napapahamak, hindi lamang ang mga magsasaka, kundi tayo rin na mamimili, kaya hindi natin papayagan ang ganitong kalakaran,” giit ng Pangulo. (Daris Jose)