• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 2:58 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bakunahan ng Bivalent COVID-19 vaccine lumarga na

PINANGUNGAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules ang paglulunsad ng Bivalent COVID-19 vaccine kung saan hinikayat niya ang sambayanang Pilipino lalo na ‘yung mga wala pang primary series na magpabakuna upang maproteksiyunan ang kanilang pamilya at ang publiko.

 

 

“I thus appeal to everyone especially those who have yet to receive their primary series of vaccinations to get vaccinated against COVID-19. This is not for your own good alone but also for the protection of your families and the general public,” ani Marcos sa kanyang talumpati sa Philippine Heart Center sa Quezon City.

 

 

Inatasan din ni Marcos ang mga lokal na opisyal na tiyakin na ang mga matatanda at ang mahinang sektor ay makakakuha ng kanilang libreng bivalent shots, na panlaban sa omicron variant at orihinal na virus.

 

 

Sinabi rin ni Marcos na inaasahan niya na paiigtingin ng Department of Health sa pamamagitan ni Sec. Teodoro Herbosa na mabigyan ng proteksiyon ang kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng bakuna.

 

 

Kabilang si Herbosa sa mga unang tumanggap ng doses ng bivalent vaccine.

 

 

Nauna nang sinabi ng DOH, ang mga matatanda at mga health workers ang uunahin sa rollout ng bakuna.

 

 

Nabatid na 500 healthcare workers ang unang mabibigyan ng naturang bakuna, ngunit kailangan na nakatanggap na sila ng ikalawang booster shot para maging kuwalipikado.

 

 

Gamit ng Pilipinas ang 390,000 doses ng bivalent vaccines na donasyon ng Lithuania sa bansa.

 

 

Pinasalamatan naman ni Marcos ang gobyerno ng Republic of Lithuania para sa kanilang donasyon ng unang batch ng bivalent vaccines sa bansa habang umaasa siyang higit pang palalimin ang pakikipagtulungan ng Pilipinas at Lithuania.

 

 

Pinasalamatan din ng Pangulo ang World Health Organization (WHO) at ang COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) sa kanilang patuloy na tulong sa Pilipinas. (Gene Adsuara)