Tinanggihan ang offer na new timeslot: ‘It’s Showtime’, babu sa TV5 at lilipat na sa GTV sa July 1
- Published on June 22, 2023
- by @peoplesbalita

“Taos-pusong nagpapasalamat ang ABS-CBN kay TV5 Chairman Manny Pangilinan para sa kanyang pagsuporta sa ABS-CBN at sa paghahatid ng “It’s Showtime” sa mas maraming manonood sa pamamagitan ng aming content partnership,” simula ng statement.
“Dahil sa bagong programming ng TV5, ikinalulungkot naming ibalita na hindi na mapapanood ang “It’s Showtime” sa TV5 simula 1 July 2023.
“Sa loob ng labing-apat na taon, walang patid na saya ang hatid ng “It’s Showtime” sa Madlang People sa loob at labas ng bansa. Pinahahalagahan namin ang magandang samahan na nabuo namin sa mga manonood tuwing tanghali. Dahil dito, minabuti naming tanggihan ang 4:30 pm time slot na inalok ng TV5 para sa programa,” pagpapatuloy pa.
May maganda naman silang balita sa bandang huli ng statement, “Tinitiyak namin sa mga manonood ng “It’s Showtime” na patuloy nilang mapapanood ang kanilang paboritong noontime show sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC mula Lunes hanggang Sabado ng 12 ng tanghali.
“Lubos ang aming pasasalamat sa GTV Channel ng GMA at nakahanap ng isa pang tahanan ang “It’s Showtime.”
“Simula 1 July 2023, mapapanood na rin ang “It’s Showtime” sa GTV mula Lunes hanggang Sabado ng 12 ng tanghali. G na G na tayo, Madlang People!
“Maraming, maraming salamat sa mga manonood na nagmamahal at sumusuporta sa “It’s Showtime” at sana ay patuloy kayong mapasaya ng aming programa.”
Sa IG post naman ni Vice Ganda, mababasa ang caption niya na, “tara na! G na G na kami!”
Marami namang natuwa sa naturang pangyayari dahil parang Kapuso na raw ang noontime show nina Vice. Kaya wish nila na ay mag-guest ang mga Kapuso stars, lalo na pagsisimula sa July 1.
Marami naman ang advance mag-isip, na kapag tapos sa 2025 ang kontrata ng TAPE Inc. sa GMA bilang blocktimer ay baka sa “It’s Showtime” na ito ibigay.
Pag nagkatotoo ito, muling magbabakbakan sa noontime slot ang bagong TVJ show at show nina Vice Ganda.
Sa ngayon, aabangan na lang natin ang pamamaalam nila sa TV5 sa June 30 at ang pasabog nilang episode sa July 1 bilang pagpasok ng grupo sa bago nilang dagdag na tahanan, ang GTV.
(ROHN ROMULO)