Pagpapatupad ng universal health care, isa sa “biggest projects” ni PBBM
- Published on June 17, 2023
- by @peoplesbalita
ISA sa “biggest projects” ng administrasyong Marcos ang ipatupad ang Universal Health Care Act.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang naging talumpati sa Koronadal City, South Cotabato, nang idaos ang paglulunsad ng Healthcare System and Referral Manual para sa lalawigan.
Ayon sa Pangulo, siya at ang bagong Health Secretary na si Teodoro Herbosa ay nagsimula nang masusing pag-aralan kung paano gagawin ang nationwide implementation ng batas gaya ng matagumpay na isinagawa sa South Cotabato.
Ang Universal Health Care Act ay tinintahan noong 2019 ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ang “full implementation” nito ay inaasahan na tatagal ng 10 taon.
“The Universal Health Care Act is simple. It’s saying everyone who’s a Filipino citizen should be supportedĀ in buying medicines, consulting a doctor.. We should also help them in their hospitalizationĀ and their treatment,” ayon sa Pangulo.
Sa kabilang dako, pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng tulong mula sa pamahalaan.
Kasama ng Pangulo si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na nag-abot ng P10,000 cash aid sa bawat isa sa 2,000 benepisaryo.
Samantala, tinulungan din ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang 619 benepisaryo sa ilalim ng Integrated Livelihood Program nito, umabot sa P13 milyon. (Daris Jose)